unang halik...
The Ampersand : Una (Tatlong Kuwento Alay Sa Unang Halik)
Contributed by Handyfemme (Edited by mananalaysay)
Saturday, April 23, 2005 @ 12:00:32 AM
peyups.com
***********
Animnapu
Gone in 60 Seconds. Hindi romantikong pelikula ang napili nating panoorin, pero dahil mukha naman itong maganda ay ito ang umaandar sa loob ng DVD player sa may salas. Kandong ko ang malaking mangkok ng popcorn habang inaantay ko ang pagbabalik mo mula sa kusina para kunin ang isa't kalahating litro ng softdrinks. Umupo ka sa tabi ko at inilapag ang dalawang baso at ang bote. Napatingin ako sa iyo at napangiti. Ibinalik mo ang aking mga ngiti at umakbay sa akin.
Tahimik nating pinagsaluhan ang pinalobong mais at ang malamig na inumin nang bigla mong binasag ang katahimikan. "Hey." "O?" Sabay tingin ko sa iyo. Hindi ko inaasahang malapit pala ang mukha mo sa akin. Napalunok ako. "Say, I haven't kissed you yet." Pabulong mong sabi. Napatitig ako sa iyo at naramdaman ko na lang na hinahagkan mo ako. Ngumiti ka pagkatapos at muling tinuon ang atensiyon sa panonood. Napangiti rin ako habang ako'y sumandal sa iyong balikat. Bagay nga sa atin ang pelikulang ito.
**********
Hang
"Buti naman at dala mo ang CD ng Win98." Salubong ko sa iyo. Dire-diretso kang pumunta sa study room at tiningnan ang sira ng computer. Pumunta naman ako sa kusina habang naghahanda ng maiinom.
"Bakit ba kasi ayaw mo pang palitan itong computer mo?" Tanong mo sa akin. Hindi ako kumibo. Alam mo ang sagot -- kulang sa budget. Pinuntahan kita dala ang tray ng inumin at makakain. Alas-kuwarto na ng hapon at kailangan maayos na ang computer ko para sa assignment ko sa Journalism class ko. Tahimik ka lang na nag-aantay habang nag-iinstall ang CD ng Windows. Nakabaling naman ang tingin ko sa computer at binabasa ang bawat mensaheng lumalabas dito. Napansin kong may tinitingnan ka rin, pero hindi na ang monitor -- ako. "Bagay sa iyo ang nakaipit ang buhok kaysa nakalugay. Hindi natatakpan ang mukha mo." Sambit mo. Naramdaman kong nag-init ang pisngi ko. Napangisi ka. "Salamat sa pag-ayos ng computer." Ang nasabi ko na lang matapos ang pagrereformat nito. "Wala 'yun, basta ikaw..." Sabay halik mo sa aking pisngi at nagmamadaling lumabas ng tarangkahan nang may ngiti sa labi.
Pakiramdam ko para akong Windows 98. 'Nag-hang' ako sa kinatatayuan ko.
**********
Lagoon
"Tugtog ka naman!" Aya ko sa iyo. Nakaupo tayo sa bench sa may lagoon; pinapanood ko ang mga taong nagdaraan doon habang ikaw naman ay abala sa pagbuklat ng mga pahina sa songhits. Parang di mo ako narinig. Hinablot ko ang isang songhits at naghanap na rin ng kanta.
"Eto, eto! Di ba idol mo si Michelle Branch? Kaya mo sigurong tugtugin 'yan, di ba?" Giit ko. Hindi ka pa rin nagsasalita, halatang asar ka na sa akin. Napasimangot ako. Anak ng tinapay naman. Kaya nga kami nandoon para kumanta at tumugtog, hindi para magmukmok! Leche, ang hassle talaga kapag may kakilala kang hindi mahilig magsalita.
Narinig ko ang mahinang kulog at namataan ang dahan-dahang pagdilim ng kalangitan. "Patay, wala tayong payong!" Ngiwi ko. Mas lalo pa akong nataranta nang naramdaman ko ang isang patak ng tubig mula sa mga ulap. Nagsimula nang umulan. Parang gremlin na hindi mapakali at dali-dali mong binuksan ang iyong bag at nilagay ang songhits sa loob, tapos ay kumuha ng di-tuping payong. Binuksan mo ito at hinila ako. "Tara." Sumunod ako at gumawa ng isang malaking hakbang patungo sa kinalalagyan mo. Muntik na akong matapilok, pero nahawakan mo ako sa braso. "Salamat..."
Pagtingin ko sa iyo at nakita kong nakangiti ka at binigyan ako ng maikling halik sa labi. "Tara na, hatid na kita sa boarding house." Narinig kong sigaw mo. Namalayan ko na lang na nasa tabing kalye ka na at ako ay nakatayo pa rin sa putikang pulilan. Dali-dali akong tumakbo papunta sa iyo.
Sa pagkakataong ito, ako naman ang di nakaimik at nag-astang tuod.