Saturday, October 01, 2005

lasing



paano ba ang feeling ng isang lasing?

kaninang umaga lang, saktong alas-6 ng umaga, pauwi na ako sa amin ng marinig ko ang mga taong kumakanta sa videoke sa may tabi ng bahay namin. nagtaka ako kasi ang alam ko, may naglalamay don. yun pala, iyon daw ang paraan nila para hindi antukin at yon daw ang hiling ng namatay... ang magsaya pag wala na siya. weird, pero nakakatuwa yung pagkalasing nila. pati kasi (HIT ME) BABY ONE MORE TIME ni Britney Spears e kinanta na nila. ganon sila pag lasing.

2 years ago, nagkatuwaan kaming magbabarkada dito sa AOL na lumabas naman after work. 9-5 am ang shift namin, kaya naman 5:30 palang ng umaga e nasa Margarita's na kami. nagkatuwaan na ibahin naman daw namin ang mga orders ng drinks namin. e ito palang si ricky, hindi niya kinaya ang mga nainom nya kaya nagulat na lang ako ng tanungin nya ako tungkol sa isa naming kabarkadang babae... IN ENGLISH! inlove daw siya rito sa kaibigan ko at gusto niyang ligawan kaya lang yung babae na rin ang nagbigay ng pahiwatig na hindi sila puede. kinagabihan ng parehong araw na yon, pasok ulit kami sa trabaho. habang naglalakad during our 30 minutes break, sinabi ko sa kanya na ganon pala siya malasing, bigla na lang niyang nailalabas ang mga nasa saloobin niya at salita ng salita sa wikang Ingles. nagulat siya at hindi alam na ganon pala siya pag lasing.

meron pa akong dalawang kaibigang babae, sina sarah at marie, na mas malala kapag naglalasing. nasa baguio kami noon, inuubos ang isang bote ng Tequila sa inupahang kuwarto. mga lima o anim yata kaming mga babae na umiinom noon pero tumigil na ang iba, kasama ako, at pinanood na lang sina marie at sarah sa pag-ubos ng tequila. patuloy pa rin ang kuwentuhan namin ng napansin na lamang namin na paulit-ulit ang sinasabi ni marie. si sarah naman, aba! biglang umiyak at tumatawa! para bang si gollum na nagkaroon ng split personality. nakakatuwa pero ganon sila malasing.

ikaw? hindi mo matandaan kung pano ka nalalasing? iku-kuwento ko sa iyo dahil lasing din ako noon...minsan ko lang naranasan iyon pero hindi sa kadahilanang dulot ito ng alak...

Taong 2000... Marso noon, mga alas-5 ng hapon ng nakita ka ng barkada ko, nakikipag-inuman sa mga katropa mo. sinabi mo sa kanya na pupuntahan mo ako ng gabi dahil may sasabihin ka pero in-inform ka nya na aalis ako ng 3:30 ng madaling araw dahil pupunta ako ng Maynila kasama ang ibang mga kaeskuwela para sa "special bookbinding" ng mga theses articles namin. pero sinabi mo pa rin na pupunta ka. hindi ko akalain na tototohanin mo kasi pag sinabi mong pupunta ka ng ganitong araw at oras, pero hindi ka naman sumisipot.

saktong 2:30 ng madaling araw, naliligo na ako noon ng marinig kong kumakahol ang mga aso namin sa labas. di ko pinansin at narinig ko na lang ang ate ko, sinasabi na hinahanap mo nga daw ako. pag labas ko sa banyo, nakita kita, umiiyak. nagkuwento ka pero pinasya kong lumabas tayo at baka magising ang mga kasambahay ko sa lakas ng hagulgol mo. habang naglalakad tayo, napansin ko ng nakainom ka.

kinukuwento mo sa akin ang nangyaring breakup nyo ng girlfriend mo. masakit na marinig na nasasaktan ka at gusto kong iuntog ang ulo mo kasi noon mo pa alam na merong iba ang gf mo, ngunit patuloy mo pa rin siyang minahal. pero since kaibigan kita, pinabayaan lang kita at nakinig ako ng mabuti sa iyo.

nung natapos ang kuwento, sinabi mo sa akin na hindi mo na siya babalikan dahil lagi naman akong nandito sa tabi mo, habang hawak mo ang magkabilang pisngi ko. hindi ako nakasagot sa kadahilanang iba ang nararamdaman ko sa mga haplos mo. unti-unti, nilapit mo ang mukha mo. hinalikan mo ang noo ko, ilong, pisngi at huminto sa aking mga labi. lasing ka man o hindi, gumanti ako.

doon ko naramdaman na lasing na rin ako...

... ng pagmamahal sa iyo.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home