alkansya
magaling ang artist na ito... akala mo simple story pero may ibang meaning pala. basahin mo sample story nya sa baba. shocking pala ang article nyang ito. check also the site: www.ronibats.com for his other articles.
----------------------------------------------
ALKANSYA
Ako ay may alkansyang baboy. Taglay nito ay maputing kutis, nakaumbok na mga labi, mga pisnging tila kinukurot bawat sandali, at puwit na nanaisin mong iunan bawat gabi . Walang ibang nagmamay-ari sa kanya, kundi ako.
"Kapag may isinuksok, may madudukot." Iyan ang laging sinasabi ng aking tatay noong ako ay bata pa. Lingid sa kaalaman ni Nanay, hindi bumababa sa tatlo ang bilang ng alkansya ni Tatay. Mahilig siya sa mga alkansyang kawayan, at tuwing mahuhuli ko siyang nagsusuksok sa mga ito, hindi ko maiwasang mainggit at maghangad na magkaroon ng sariling alkansya.
Gayunpaman, ayaw ko ng kawayan. Ang gusto ko ay alkansyang baboy, at sapat na sa akin ang isa.
Ang pag-aasam ay nagkaroon ng katuparan nang ako ay umalis sa poder ng aking mga magulang at magkatrabaho. Tatlong araw matapos ang unang sweldo, napasaakin ang pinakaaasam kong alkansyang baboy.
Maputi ang kutis. Nakaumbok ang mga labi. Tila kinukurot bawat sandali ang mga pisngi. At ang puwit ay nais kong iunan bawat gabi.
Ako ay nagsuksok. Nagsuksok. At nagsuksok pa.
Noong una, tuwing sweldo ko lang nilalagyan ng laman ang aking alkansya. Subalit hindi naglaon, ang pagsusuksok buwan-buwan ay naging linggu-linggo, at saan pa nga ba hahantong ang linggu-linggo kundi sa araw-araw?
Masarap pala, lalo na't masikip ang butas ng aking alkansya.
Hindi ko mapigilan ang sarili kong magsuksok. Magsuksok. At magsuksok pa.
Pero nitong nakaraang buwan, may napansin akong pagbabago sa aking alkansya. Lumalaki ang kanyang tiyan. Ang baboy ay lalong nagiging baboy.
Nang tanungin ko ang aking alkansya tungkol dito, tumugon ang aking baboy, "Ito na ang pinakahihintay natin. Ilang buwan na lang, may madudukot na tayo."
Huh?
Wala akong hinihintay. Ayoko ng madudukot. Ang gusto ko lang ay magsuksok.
Oras na upang sungkitin ang laman ng aking alkansya. Sumaglit ako sa Quiapo, at umuwing bitbit ang isang banig ng tabletas at iba't ibang boteng naglalaman ng mga ugat, sanga at dahon. "O eto, ikaw na ang pumili kung ano ang gusto mong inumin. Kung ayaw mo namang ipasungkit sa akin ang laman ng tiyan mo, magbihis ka. Maghahanap tayo ng doktor na susungkit diyan."
Pero ayaw tuminag ng aking baboy. Gusto niyang mabuo ang laman ng kanyang tiyan.
Hindi ba niya naiintindihan? Ang laman ng kanyang tiyan ay akin, hindi kanya. Ako ang nagsuksok, siya ay isa lamang lalagyan. Kung ano ang gusto ko, iyon ang masusunod.
Kaya ngayon, ako ay may hawak na martilyo at ang aking alkansya ay nakakulong sa kwarto. Napag-isip-isip ko, isang bagay lang ang ginagawa sa alkansyang baboy kapag ayaw nitong ipasungkit ang kanyang laman:
Binabasag.
###############
Hindi lahat ng kwento, kailangang magwakas na masaya.Dahil minsan, kung hindi ka gigimbalin ng katotohanan, hindi mo malalamang may problema pala.
-----------------------------------------------------------------
nakuha mo ba ang story or medyo magulo? eto ang mga guiding questions para sa iyo...
1. Bakit ganoon ang deskripsyon ng alkansya? (Kutis, labi, pisgi, puwit) Kapag ibinigay sa iyo ang ganitong deskripsyon, alkansya ba ang una mong maiisip?
2. Ang kahulugan ng artikulong ito ay nakatago sa mga salita. Oo, "isinusuksok" ang barya sa isang alkansya, pero ano pa ang ibang mga bagay (bahagi ng katawan?) na maaaring "isuksok"? Pansinin na hindi ginamit sa artikulo ang salitang barya, kahit minsan.
3. In the same manner, "masikip ang butas ng alkansya." Ano pa ba ang mga bagay (bahagi ng katawan?) na maaaring magkaroon ng masikip na butas?
4. Ang tatay ay mayroon ding mga alkansya (na lingid kay nanay!). Bakit "kawayan" ang gustong "pagsuksukan" ni tatay? Ano ba ang pinagkaiba ng itsura ng "kawayan" at ng "baboy"?
5. "Lumalaki ang tiyan" ng alkansya. At ito ay nagsalita. Alkansya nga ba? Anong klaseng "pagsusuksok" ba ang maaaring magdulot ng "paglaki ng tiyan"?
6. Ginusto ba ng "alkansya" ang nangyari sa kanila? Bakit "natin" at "tayo" ang mga salitang ginamit sa kaisa-isang linya ng alkansyang baboy?
7. Ang unang gustong gawin ng nagsasalita sa kwento ay "sungkitin" ang laman ng alkansya (dahil ganun naman talaga ang unang ginagawa kapag ayaw mong sirain ang alkansya mo, pero gusto mong makuha ang laman nito). Ano ang implikasyon ng salitang "sungkitin"? Para saan ang mga binili sa Quiapo at bakit "hahanap ng doktor na susungkit"?
8. Ano ang kahulugan ng huling salita ng artikulo?
9. Sino ang tunay na baboy? Ang alkansya? O ang "may-ari" nito?
---------------------------
na-gets mo ba? AYOS DI BA?
1 Comments:
see you 2morow!
Post a Comment
<< Home